
Sadyang mahirap ang subject na Arithmetic, lalo na kung pera ang pinag-uusapan. Isang dolyar sa ngayon ay katumbas na ng 44 pesos, samantalang dati ang isang dolyar ay katumbas lang ng 2 piso.Dadagdagan pa ito ng sintemiyento ng ating ekonomiya at lipunan. Ang walang katapusang isyu ng imperyalismo at katiwalian na siyang nagiging sanhi ng kahirapan. Ang di na makatotohanang pagpapakita ng imahe ng kabayanihan at pagpapaniwala sa pag-asa.
pag-asa...umaalingawngaw sa tainga ko ang salitang iyon, animo'y isang kathang-isip lang, isang pangalan ng prinsipeng minsang nangakong pakakasalan ang prinsesa at biglang namulat sa isang panaginip.
Isa akong kalapating kahit matayog ang lipad ay dumadaing ng kalayaan.
Kahit gaano kalayo ang marating ko'y hindi ako iniiwan ng malakas na hangin, ang paglapat ng mabibigat nitong hampas sa aking pakpak ay tila pilit akong pinipigilan sa pag-sulong. Pero hindi ako tumitigil sa pagkampay, at titigil lang ako hangang sa makakita ako ng masisilungan, hangang sa makaipon ng lakas para lumipad muli...