Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Nais kitang makausap.
Sumasakit muli ang aking kaliwang dibdib, kumukurot sa bawat pintig na dala ng nasasapin nito. Tila asido ang dumadaloy sa mga ugat. Matutulungan mo kaya ako? Marahil kulang lang ng lakas at bilis ang aking kaliwang braso. Marahil kailangan ko ring huminga sa kaliwa. Sadya bang nakakapagod alalahanin ang mga bagay na tila binaliwa ko noon?
Walang tugon kang nakatanaw sa langit. Bakit? Ah! Marahil diyan mo nakukuhang maging makulay. Hambalang ba akong lumalangoy sa tahimik mong pagmamasid? Siya bang langit ang tunay mong pag-ibig?
Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Iniibig kita. Ngunit, nakatingin ka sa iba, sa malayong ibayo, na kahit anong puspos kong lumangoy ay di kailan man maaabot. Ayokong husgahan ka sa sarili mong walang patutunguhang pangarap, dahil ako man ay lumalangoy sa katawan mong silat.
No comments:
Post a Comment