"Black as the devil, Hot as hell, Pure as an angel, Sweet as love."~Charles Maurice de Talleyrand-Perigord
Mula sa motherinstinct.com ang larawan ng isang tasang kape na animo'y nanghihimok. Ang kulay lupa nitong nilalaman na nagbabaga sa pagdungaw ng haring araw. Ang simoy ng umaga, ang magaang hanging kumikiliti sa balat at ang bawat namumungang hamog sa damong sadyang humahawi ay mararamdaman lahat.
At wala akong pakundangang kopyahin ang larawang ito, kahit ano pa man ang nasasaad sa batas. Sa pagniniwalang lahat ng batas ay nagpaparaya sa mga may kakulangan. Dahil una at huling beses ko lang natikman ang pawang gamot na pipigil sa pintig ng aking puso. Ito ang aking kakulangan, ang nakahihiya kong karamdaman kung saan inaayawan ng sikmiura kong nabutas na mahabang panahong patatangis sa pait.
Ngunit isang araw nanguyam ako sa kalinga ng isang tasa ng mainit na kape. Walang kiming nagpunta sa kusina at nagpakulo ng tubig. Hinanda ko ang isang maliit na tasang animo'y nangungusap sa akin. Gamit ang matinis niyang boses ay sinabing "Tigil!" Kinuha ko ang gunting at isang pakete ng kape at saka ginupit ang isang dulo nito. Sinundan ng mga mata ko ang pagbagsak sa sahig ng kaputol na dulo animo'y dahan-dahang nagpapaalam sa akin.
Napahinto ako sa biglang ingay ng takore. Ah! Ang mainit na tubig para sa isang tasa kape.
Kinuha ko ang takore at dahan-dahang 'binuhos ang mainit na tubig sa maliit na tasa at ang halimuyak na matagal na panahon nagmumulto sa aking isipan ay sawakas masisilayan muli, ang lasang kumukurot sa aking tiyan ay matitikman muli. Hinalo ko ang kape at agad humigop ng kaunti. Nagbuntong hininga ako saka dumungaw sa bintana at tinanaw ang pasikat na araw. Bigla kong naisip na isang higop lang ay sapat na para sa maghapong gawain.
No comments:
Post a Comment