Sa pagkakataong hindi ko mamasdan yang pawang walang kasiyahan mong mukha, Tumitikwas ang mga guhit sa bawat mabanggit na salita O kahit manipis na ang pisnging pilit tinatakpan ng maskara Ay hangad pa ring mapabilang sa iyong alaala.
Tuesday, May 24, 2011
Di Ko Hahayaang Maging Nars Ang Aking Anak
Hahayaan kong gawin ng aking anak anomang nais niya:
Maging abogado, guro, inhinyero o kahit artista.
Ngunit, kailan man hindi ko siya hahayaang maging nars
O kumuha ng medisina o kahit magtrabaho sa ospital
Bilang ahente ng gamot o tagatapon ng maruruming gasa.
Hindi ko siya hahayaang mahawa ng malubhang sakit,
O magpasalubong ng mikrobyo sa kanyang mga anak.
Kung nais niyang kumain ng baboy
Ay di ko siya susuwayin,
Manigarilyo tuwing naiinip
O uminom ng alak 'pag may okas'yon.
Gusto kong matutuhan niyang katakutan
Ang dugo at ang karayom.
Maging sa harap ng nililinis na bangkay,
Gusto kong makita siyang umiiyak,
Kaharap ang hile-hilerang bote ng fetus.
Gusto kong matutuhan niyang pandirihan ang may ketong,
Kutyain ang baliw at pagtawanan ang lumpo
Hahayaan kong umasa siyang may lunas ang kanser
At maniwalang tanging utak lang ang di napapalitan sa katawan ng tao.
Gusto kong maranasan niyang mabuhay ng normal
Di kailangang paulit-ulit linisin ang di na gumagaling na sugat
O paiyakin ang sanggol bilang pagbati sa kanyang kapanganakan.
Gusto kong maging matagumpay siya sa kanyang trabaho
Na di kailangang magsuot ng abaya kahit di Muslim,
O bumati ng Niphonggo o sa Ingless.
Balang-araw gusto kong ikwento niya sa kanyang mga anak:
Walang mga nanay na umiiyak sa tabi ng kanyang sanggol,
Walang rehas sa ospital
O pasyenteng ginagamot nang nakaposas
Walang nagkakasakit at walang namamatay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment