Wala nang kakaiba sa panahon ngayon, ang mga ideya ng tao ay parang endangered species na unti-unting nawawala sa kasukalan ng mga kaisipan. Ang hindi na paggamit ng panulat at papel dahil sa bagong labas na I-Pad, ang pagkakaroon ng matalinong lahi dahil sa genetic manipulation, ang pag-galing ng isang taong may Kanser at ang paglalakbay sa kalawakan ay pawang mga bagay na lamang na naluma na sa discovery channel.
Ngunit ang pagdilat tuwing umaga, ang sinag ng araw sa kaunting siwang ng bubong, ang amoy ng sinangag mula sa tira noong hapunan ay higit pang may katuturan kaysa sa mga bagong usapin ngayon.
Ang walang katapusang laban para sa pantay na karapatan ng mga kababaihan ay katumbas na lang ng presyo ng isang Magdalena sa Club. Ang paglabag sa human rights ay tila kasing bilis na ng mga nauusong broad.
Ito ang panibagong panahon, ang lipunan ang nagdidikta ng moralidad ng mga tao, ang political views at relihiyon ay pawang isang dekorasyon na lang sa profile ng iyong facebook account.