Tuesday, May 27, 2014

Sabali


Tingnan mo yang alon ng dagat kumakalabit
sa mga mukhang tagaktak ng luha at pawis,
na 'di malamang kung pagod o pagtatangis
sa tinalikurang buhay? O bakit?


Wednesday, December 25, 2013

Agyamanak


"If the only prayer you ever say in your life is Thank You, 
it will be enough."  -Eckhart

Ang lasa ng romansa sa wikang ito ay animo'y tugtog ng gitara mula sa bawat higop ng kape sa umaga. Nakakatawa. Nakapaninibago. Ngayon na lang muli akong sumulat sa wikang ito. Napakarami nang nangyari sa akin. Mula sa pagkabigo hangang sa pagbangon. Masaya ako'ng nalaman na naging matatag ako, kahit papano. Sa buntong hininga lang mababasa ang bigat ng pasan kong problema. Pero, kinaya ko. Kinaya ko bawat sakit.

Lumangoy. Tumakbo. Sumagwan. At, nanalo. Walang tagumpay na nakakamit mag-isa. Oo. Mag-isa ako madalas, pero ito na ang nakagawian ko. Sa walang lamang bahay ako lumaki, natuto at nagbakasakali. Nagbakasakali na may mararating pa ako kung susubikin kong mabuhay sa labas.

At, s'yempre, hindi ko na kailangang ulit-ulitin. AGYAMANAK!




Thursday, August 1, 2013

Sa araw na ito

Sa araw na ito, gagawa ako ng mabuti.
Hindi ako magpapanggap na masaya o malungkot.
Hindi ako magsasayang ng panahon sa walang patutunguhan na bagay.
Hindi ako mananakit ng damdamin ng iba.
At, hindi ako magsasayang ng pagkain at pera.

Sa araw na ito, magsasabi ako ng totoo
Hindi ako magsisinungaling tungkol sa kalagayan ng aking trabaho
Hindi ko itatanggi ang nilalaman ng aking puso
O kung kailangan kong itakwil ang isang matalik na kaibigan.
Hindi ako magsisinungaling tungkol sa hinahangad ng aking katawan.

Sa araw na ito, hindi ako magagalit.
Tatayo ako sa tuktok ng pinakamataas na gusali at lilipad,
Magpapakaligaw sa walang-hangang alapaap.
Tatawanan ko ang namamaalam na araw sa takip-silim.
Magpapakalungo sa galak kahit sa tumatangis na hangin,

At, sa sandaling matapos ang araw na ito,
Dalidali kong hahawakang mahigpit ang aking puso,
Dadalhin sa pinakamalayong ibayo,
At, itatago sa loob ng isang 'di natitibag na bato,
Upang muli nang makasabay sa pintig ng mundo.

Dahil may mga bagay na hindi natin kayang talikuran

At...
Nakadungaw kang muli sa likod ng aking balikat.
Siyang ulap na tumatakip sa siwang ng liwanag.
Hindi?
Siyang ulap na dala ay bahaghari sa halip na ulan.
Siyang ulap na tangis ang mga bituwin at ang buwan.
"Bakit", 
Bugso niya, at bigla-biglang bagyo ay sumabay,
"alam mo'ng darating ang araw, ba't 'di ka makapaghintay?" 
"Oo,"
Mapangahas kong sagot, "Alam ko. Alam ko.
"Ngunit, araw na rin ang nagsabing, 'matatagalang ako.'."



At...
Yang ulap na bumibigat, unti-unting lumalapat sa lupa,
Ay matagal kong hangad na mahawakan at madama.

Ngunit...
Alam mo ring paglisan ko'y panandalian lang.
Dahil may mga bagay na hindi natin kayang talikuran.

Monday, April 15, 2013

Kamusta ka na tubig?



Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Nais kitang makausap.


Sumasakit muli ang aking kaliwang dibdib, kumukurot sa bawat pintig na dala ng nasasapin nito. Tila asido ang dumadaloy sa mga ugat. Matutulungan mo kaya ako? Marahil kulang lang ng lakas at bilis ang aking kaliwang braso. Marahil kailangan ko ring huminga sa kaliwa. Sadya bang nakakapagod alalahanin ang mga bagay na tila binaliwa ko noon?

Walang tugon kang nakatanaw sa langit. Bakit? Ah! Marahil diyan mo nakukuhang maging makulay. Hambalang ba akong lumalangoy sa tahimik mong pagmamasid? Siya bang langit ang tunay mong pag-ibig?

Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Iniibig kita. Ngunit, nakatingin ka sa iba, sa malayong ibayo, na kahit anong puspos kong lumangoy ay di kailan man maaabot. Ayokong husgahan ka sa sarili mong walang patutunguhang pangarap, dahil ako man ay lumalangoy sa katawan mong silat.

Tuesday, January 29, 2013

Katwiran


Kung sabagay.

Kung hindi ka rin naman naabala at nagagamabala ng isang bagay, ikaw na ang bahala kung bibigyan mo ng panahon at pawis ang pag-iisip dito. Lahat ng tao'y may natural na pagkukusang magtanong, gambalin ang sairiling katahimikan at isipin kung bakit. Ang tanging makatwiran na katwiran ay ang katotohanan na ang bawat tao ay may kanya-kanyang ugali, panlasa, paniniwala at pananaw na mas malawak pa kaysa sa buong kawalan. Sobrang lawak nito na kulang pa ang buong buhay ng isang tao, upang makamit.

Ang pagmumuni-muni at pag-iisip ay makukumpara sa paggunita ng isang pista na isang tao lang ang nakapunta: ikaw. Parang pagbubuo ng isang bansa na tanging ikaw lang ang miyembro, ikaw ang presidente, ikaw ang mamamayan, ikaw ang opisyal, ikaw ang din ang kriminal.

Sunday, May 27, 2012

Sa pagkawala ng bigat

Rizal Park, Manila 2012
Kusa ka raw talagang gumagaan 'pag nasa langit ka. Marahil ang pagkain roon ay magagaan din, tulad ng harina at gulay. Wala sigurong kanin doon o tsokolate, o kung mayroon man ay sapat lang para hindi na kailangang idumi ng katawan.
Marahil hindi rin talaga kumakain ang "tao" sa langit. Hindi sa walang pagkain sa langit, kundi dahil hindi nila kailangan ng pagkain, 'pagkat sabi ng mga makamundong doktrina at prinsipyo ng pananampalataya ay sapat na ang kaligayahan ng walang hangang buhay sa piling ng May kapal.


Totoo marahil. Napakasarap paniwalaan ang walang-hangang buhay...walanga-hangang kaligayahan.

Ngunit gumagaan tayo, dahil sa maraming makamundong bagay. Ang timbang ay hindi nasusukat sa kasalukuyan distansya mo sa langit, kundi sa posisyon mo sa lupa.

Marahil kailangan lang kumain pa ng sapat.

Wednesday, November 2, 2011

Sa pagsagip sa tubig



Nakahiga kang lupaypay sa lumulutang na tabla,
Isang kapirasong kahoy mula sa inanod mong tahanan.
Hindi ka sigurado kung ang nakikita mo'y langit
O ang mabuting epekto ng gutom at pagod sa iyong pandama.


Hindi ka sigurado kung gusto mo pang masagip,
Maligtas man o hindi, ikaw pa rin ay nasa langit.