Sunday, October 23, 2011

Buhay ng isang blogger

 "...ang pagbloblog, katulad ng panliligaw, mahirap simulan. kelangan mo magisip ng magandang atake para mapansin at pag napansin ka na, dun magsisimula ang lahat."
-Ang Babae at ang blog, www.bulakbolero.com


Ang diwa mong walang mapuntahan kaya parang kuryenteng sumisirit sa dulo ng iyong mga daliri habang nagta-type ng mga bagay na nasa iyong isip--kunwari'y may sariling pananaw sa mundo. Kahit na alam mong wala na itong pinatutunguhan, at marahil pabigat pa sa database ng computer ng iba. Ang binabasa lang naman dito ng karamihan ay ang unang pangungusap, pinagmamasdan ang mga larawan at kinakatuwaan ang mga pamagat. May iba pa na mawawalan ng gana dahil nakasaad ito sa Filipino at hindi man lang konjo.


Pagkatapos, hindi na nila muling makikita ang blog na iyon.

Habang-buhay...

Sakali man na mapadaan muli sila sa blog na iyon, hindi na nila maaalala na minsan ay napakunot ang noo nila sa mga nakasaad dito, ang makaluma nitong tema at ang mga kakatuwang pamagat at retrato. Marahil ay mababasa nilang muli ang artikulong hindi man lang nakapukaw sa kanilang interes at bigla-biglang nagpaintriga sa kanila. Parang damit na dati'y hindi mo maisip na suotin at tila pinandidirihan mo tuwing makikita ay ngayo'y uhaw na isukat ito.

"A blog (a blend of term web log) is a type of website or part of a website supposed to be updated with new content from time to time. Blogs are usually maintained by an individual with regular entries of commentary, descriptions of events, or other material such as graphics or video. Entries are commonly displayed in reverse-chronological order. Blog can also be used as a verb, meaning to maintain or add content to a blog."
- www.wikipedia.org 


Hindi nila alam na nagbago rin ang pananaw ng may akda ng blog. Natuto rin siyang sumunod sa daloy ng panahon at maki-ugnay sa mga mambabasa, hangang sa napapansin na niya na napapansin siya ng iba.

Wednesday, October 12, 2011

Parikala

Ginising ako ng isang magaspang na boses na tumawag sa aking pangalan. Kahit natatakpan ito ng ingay ng mundong humihingi ng kapayapaan, kalayaan at lahat ng salitang nagsisimula sa pantig na "ka" at nagtatapos sa "an." Gayon pa man, narinig ko ito, ang boses na nangingibabaw sa lahat. Papaanong hindi? Tinawag niya ako sa pangalang kaming dalawa lang ang nakakaalam. Ngunit, mukhang hindi ko malaman kung anong pandama ang ginamit ko na kabila ng ingay ng mundo'y narinig ko iyon.

Tumahimik ang paligid. At, bigla biglang naramdaman ko ang waksi ng kalabit ng telepono sa tainga kong nananaliksik pa sa boses ng panaginip. Gumising ako. Alas-singco na ng umaga. Mula sa siwang ng pinto ng aking silid, nasilip ko pa ang kwarto ng aking mga magulang. Maliwanag ito at ang silid kong natatakpan ng anino. Ganito ba ang pakiramdam ng buwan tuwing "lunar eclipse"? Ang hiniram nitong liwanag ay may oras din para ibalik.


Tumingin ako sa maliit na monitor ng aking telepono at gumulanta sa akin ang pitong bagong mensahe. Binasa ko ito isa-isa. Walang mensahe galing sa taong inaasahan ko. 'Pinaalala ko sa sarili ko na nawala nga pala ang  kanyang telepono noong kamakalawa ng gabi, araw din kung kailan ako nagpaalam. Sinabi ko pa man din sa kanya kung gaano ko siya kamahal at ang lahat ng dahilan kung bakit napilitan akong hiwalayan siya. Ngunit, hindi niya ito nabasa.

Nakatatawa at nakayayamot tuwing ang isang parikala ng buhay ay tila gawa ng Maykapal! Hindi ko maiisip na sa ganoong paraan niya gustong matuto ng aral ang matatalinong nilalang. Binibigyan niya ng panahong mag-isip bago magsalita, bago pa man niya maisip na lumaya o bago siya matutong magdasal o huminga, o bago pa man niya mapagtanto na nabubuhay siya.
Ngayon ay may post sa aking wall sa facebook--isang makabagong teknolohiya na tila hinayaang maging instrumento ng parikala. Mula ito sa isang kaibigan na may parehong zodiac sign tulad ng aking ina. Sabi niya "Forget the risk, and take the fall. If it's meant to be, then it's worth it." Naiisip ko na baka ito'y kinopya niya lang mula sa isang libro, pelikula o twit sa twitter. Ngunit, gayun pa man, ni-like ko ito agad at nagpost. "God is testing me. It just happens na sabaysabay," at saka tumugtog ang paborito kong kantang "Open Your Eyes" by the Script.