Tuesday, May 27, 2014

Sabali


Tingnan mo yang alon ng dagat kumakalabit
sa mga mukhang tagaktak ng luha at pawis,
na 'di malamang kung pagod o pagtatangis
sa tinalikurang buhay? O bakit?


Wednesday, December 25, 2013

Agyamanak


"If the only prayer you ever say in your life is Thank You, 
it will be enough."  -Eckhart

Ang lasa ng romansa sa wikang ito ay animo'y tugtog ng gitara mula sa bawat higop ng kape sa umaga. Nakakatawa. Nakapaninibago. Ngayon na lang muli akong sumulat sa wikang ito. Napakarami nang nangyari sa akin. Mula sa pagkabigo hangang sa pagbangon. Masaya ako'ng nalaman na naging matatag ako, kahit papano. Sa buntong hininga lang mababasa ang bigat ng pasan kong problema. Pero, kinaya ko. Kinaya ko bawat sakit.

Lumangoy. Tumakbo. Sumagwan. At, nanalo. Walang tagumpay na nakakamit mag-isa. Oo. Mag-isa ako madalas, pero ito na ang nakagawian ko. Sa walang lamang bahay ako lumaki, natuto at nagbakasakali. Nagbakasakali na may mararating pa ako kung susubikin kong mabuhay sa labas.

At, s'yempre, hindi ko na kailangang ulit-ulitin. AGYAMANAK!




Thursday, August 1, 2013

Sa araw na ito

Sa araw na ito, gagawa ako ng mabuti.
Hindi ako magpapanggap na masaya o malungkot.
Hindi ako magsasayang ng panahon sa walang patutunguhan na bagay.
Hindi ako mananakit ng damdamin ng iba.
At, hindi ako magsasayang ng pagkain at pera.

Sa araw na ito, magsasabi ako ng totoo
Hindi ako magsisinungaling tungkol sa kalagayan ng aking trabaho
Hindi ko itatanggi ang nilalaman ng aking puso
O kung kailangan kong itakwil ang isang matalik na kaibigan.
Hindi ako magsisinungaling tungkol sa hinahangad ng aking katawan.

Sa araw na ito, hindi ako magagalit.
Tatayo ako sa tuktok ng pinakamataas na gusali at lilipad,
Magpapakaligaw sa walang-hangang alapaap.
Tatawanan ko ang namamaalam na araw sa takip-silim.
Magpapakalungo sa galak kahit sa tumatangis na hangin,

At, sa sandaling matapos ang araw na ito,
Dalidali kong hahawakang mahigpit ang aking puso,
Dadalhin sa pinakamalayong ibayo,
At, itatago sa loob ng isang 'di natitibag na bato,
Upang muli nang makasabay sa pintig ng mundo.

Dahil may mga bagay na hindi natin kayang talikuran

At...
Nakadungaw kang muli sa likod ng aking balikat.
Siyang ulap na tumatakip sa siwang ng liwanag.
Hindi?
Siyang ulap na dala ay bahaghari sa halip na ulan.
Siyang ulap na tangis ang mga bituwin at ang buwan.
"Bakit", 
Bugso niya, at bigla-biglang bagyo ay sumabay,
"alam mo'ng darating ang araw, ba't 'di ka makapaghintay?" 
"Oo,"
Mapangahas kong sagot, "Alam ko. Alam ko.
"Ngunit, araw na rin ang nagsabing, 'matatagalang ako.'."



At...
Yang ulap na bumibigat, unti-unting lumalapat sa lupa,
Ay matagal kong hangad na mahawakan at madama.

Ngunit...
Alam mo ring paglisan ko'y panandalian lang.
Dahil may mga bagay na hindi natin kayang talikuran.

Monday, April 15, 2013

Kamusta ka na tubig?



Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Nais kitang makausap.


Sumasakit muli ang aking kaliwang dibdib, kumukurot sa bawat pintig na dala ng nasasapin nito. Tila asido ang dumadaloy sa mga ugat. Matutulungan mo kaya ako? Marahil kulang lang ng lakas at bilis ang aking kaliwang braso. Marahil kailangan ko ring huminga sa kaliwa. Sadya bang nakakapagod alalahanin ang mga bagay na tila binaliwa ko noon?

Walang tugon kang nakatanaw sa langit. Bakit? Ah! Marahil diyan mo nakukuhang maging makulay. Hambalang ba akong lumalangoy sa tahimik mong pagmamasid? Siya bang langit ang tunay mong pag-ibig?

Kamusta ka na bughaw na tubig ng Pius? Iniibig kita. Ngunit, nakatingin ka sa iba, sa malayong ibayo, na kahit anong puspos kong lumangoy ay di kailan man maaabot. Ayokong husgahan ka sa sarili mong walang patutunguhang pangarap, dahil ako man ay lumalangoy sa katawan mong silat.

Tuesday, January 29, 2013

Katwiran


Kung sabagay.

Kung hindi ka rin naman naabala at nagagamabala ng isang bagay, ikaw na ang bahala kung bibigyan mo ng panahon at pawis ang pag-iisip dito. Lahat ng tao'y may natural na pagkukusang magtanong, gambalin ang sairiling katahimikan at isipin kung bakit. Ang tanging makatwiran na katwiran ay ang katotohanan na ang bawat tao ay may kanya-kanyang ugali, panlasa, paniniwala at pananaw na mas malawak pa kaysa sa buong kawalan. Sobrang lawak nito na kulang pa ang buong buhay ng isang tao, upang makamit.

Ang pagmumuni-muni at pag-iisip ay makukumpara sa paggunita ng isang pista na isang tao lang ang nakapunta: ikaw. Parang pagbubuo ng isang bansa na tanging ikaw lang ang miyembro, ikaw ang presidente, ikaw ang mamamayan, ikaw ang opisyal, ikaw ang din ang kriminal.

Sunday, May 27, 2012

Sa pagkawala ng bigat

Rizal Park, Manila 2012
Kusa ka raw talagang gumagaan 'pag nasa langit ka. Marahil ang pagkain roon ay magagaan din, tulad ng harina at gulay. Wala sigurong kanin doon o tsokolate, o kung mayroon man ay sapat lang para hindi na kailangang idumi ng katawan.
Marahil hindi rin talaga kumakain ang "tao" sa langit. Hindi sa walang pagkain sa langit, kundi dahil hindi nila kailangan ng pagkain, 'pagkat sabi ng mga makamundong doktrina at prinsipyo ng pananampalataya ay sapat na ang kaligayahan ng walang hangang buhay sa piling ng May kapal.


Totoo marahil. Napakasarap paniwalaan ang walang-hangang buhay...walanga-hangang kaligayahan.

Ngunit gumagaan tayo, dahil sa maraming makamundong bagay. Ang timbang ay hindi nasusukat sa kasalukuyan distansya mo sa langit, kundi sa posisyon mo sa lupa.

Marahil kailangan lang kumain pa ng sapat.

Wednesday, November 2, 2011

Sa pagsagip sa tubig



Nakahiga kang lupaypay sa lumulutang na tabla,
Isang kapirasong kahoy mula sa inanod mong tahanan.
Hindi ka sigurado kung ang nakikita mo'y langit
O ang mabuting epekto ng gutom at pagod sa iyong pandama.


Hindi ka sigurado kung gusto mo pang masagip,
Maligtas man o hindi, ikaw pa rin ay nasa langit.

Sunday, October 23, 2011

Buhay ng isang blogger

 "...ang pagbloblog, katulad ng panliligaw, mahirap simulan. kelangan mo magisip ng magandang atake para mapansin at pag napansin ka na, dun magsisimula ang lahat."
-Ang Babae at ang blog, www.bulakbolero.com


Ang diwa mong walang mapuntahan kaya parang kuryenteng sumisirit sa dulo ng iyong mga daliri habang nagta-type ng mga bagay na nasa iyong isip--kunwari'y may sariling pananaw sa mundo. Kahit na alam mong wala na itong pinatutunguhan, at marahil pabigat pa sa database ng computer ng iba. Ang binabasa lang naman dito ng karamihan ay ang unang pangungusap, pinagmamasdan ang mga larawan at kinakatuwaan ang mga pamagat. May iba pa na mawawalan ng gana dahil nakasaad ito sa Filipino at hindi man lang konjo.


Pagkatapos, hindi na nila muling makikita ang blog na iyon.

Habang-buhay...

Sakali man na mapadaan muli sila sa blog na iyon, hindi na nila maaalala na minsan ay napakunot ang noo nila sa mga nakasaad dito, ang makaluma nitong tema at ang mga kakatuwang pamagat at retrato. Marahil ay mababasa nilang muli ang artikulong hindi man lang nakapukaw sa kanilang interes at bigla-biglang nagpaintriga sa kanila. Parang damit na dati'y hindi mo maisip na suotin at tila pinandidirihan mo tuwing makikita ay ngayo'y uhaw na isukat ito.

"A blog (a blend of term web log) is a type of website or part of a website supposed to be updated with new content from time to time. Blogs are usually maintained by an individual with regular entries of commentary, descriptions of events, or other material such as graphics or video. Entries are commonly displayed in reverse-chronological order. Blog can also be used as a verb, meaning to maintain or add content to a blog."
- www.wikipedia.org 


Hindi nila alam na nagbago rin ang pananaw ng may akda ng blog. Natuto rin siyang sumunod sa daloy ng panahon at maki-ugnay sa mga mambabasa, hangang sa napapansin na niya na napapansin siya ng iba.

Wednesday, October 12, 2011

Parikala

Ginising ako ng isang magaspang na boses na tumawag sa aking pangalan. Kahit natatakpan ito ng ingay ng mundong humihingi ng kapayapaan, kalayaan at lahat ng salitang nagsisimula sa pantig na "ka" at nagtatapos sa "an." Gayon pa man, narinig ko ito, ang boses na nangingibabaw sa lahat. Papaanong hindi? Tinawag niya ako sa pangalang kaming dalawa lang ang nakakaalam. Ngunit, mukhang hindi ko malaman kung anong pandama ang ginamit ko na kabila ng ingay ng mundo'y narinig ko iyon.

Tumahimik ang paligid. At, bigla biglang naramdaman ko ang waksi ng kalabit ng telepono sa tainga kong nananaliksik pa sa boses ng panaginip. Gumising ako. Alas-singco na ng umaga. Mula sa siwang ng pinto ng aking silid, nasilip ko pa ang kwarto ng aking mga magulang. Maliwanag ito at ang silid kong natatakpan ng anino. Ganito ba ang pakiramdam ng buwan tuwing "lunar eclipse"? Ang hiniram nitong liwanag ay may oras din para ibalik.


Tumingin ako sa maliit na monitor ng aking telepono at gumulanta sa akin ang pitong bagong mensahe. Binasa ko ito isa-isa. Walang mensahe galing sa taong inaasahan ko. 'Pinaalala ko sa sarili ko na nawala nga pala ang  kanyang telepono noong kamakalawa ng gabi, araw din kung kailan ako nagpaalam. Sinabi ko pa man din sa kanya kung gaano ko siya kamahal at ang lahat ng dahilan kung bakit napilitan akong hiwalayan siya. Ngunit, hindi niya ito nabasa.

Nakatatawa at nakayayamot tuwing ang isang parikala ng buhay ay tila gawa ng Maykapal! Hindi ko maiisip na sa ganoong paraan niya gustong matuto ng aral ang matatalinong nilalang. Binibigyan niya ng panahong mag-isip bago magsalita, bago pa man niya maisip na lumaya o bago siya matutong magdasal o huminga, o bago pa man niya mapagtanto na nabubuhay siya.
Ngayon ay may post sa aking wall sa facebook--isang makabagong teknolohiya na tila hinayaang maging instrumento ng parikala. Mula ito sa isang kaibigan na may parehong zodiac sign tulad ng aking ina. Sabi niya "Forget the risk, and take the fall. If it's meant to be, then it's worth it." Naiisip ko na baka ito'y kinopya niya lang mula sa isang libro, pelikula o twit sa twitter. Ngunit, gayun pa man, ni-like ko ito agad at nagpost. "God is testing me. It just happens na sabaysabay," at saka tumugtog ang paborito kong kantang "Open Your Eyes" by the Script.

Sunday, August 21, 2011

Ako 'yun?

Kilala kita.
Ikaw ang pumatay sa
Aking salita.

Mahal kita.
Nasabi ko ba sa'yo
Bago mawala?

Si lalaki na may nililigawang babae, isang bulaklak sa gitna ng disiyerto at hindi ikaw 'yun.Si lalaki na sadyang
'di mapalad sa diskarte ay nabigo rin. Si lalaki na may nililigawang babae, isang bituin sa gabi at hindi ikaw 'yun. Si lalaki na 'di muling pinalad ay nagtangka muli na manligaw sa iba. Si lalaki na may nililigawang babae, isang anghel na bumaba sa langit, at hindi ikaw 'yun. At, sadyang mailap ang swerte kay lalaki kaya nabigo muli.

Si babae na tikom ang bibig sa damdamin para sa isang lalaki, at oo ikaw 'yun. Si babae na 'di rin maintindihan kung ano ang nagustuhan niya sa 'yo, madalas man niyang itanong sa sarili, ngunit wala siyang matanggap na tamang sagot. Si babae na tinanggap ang isang lalaki  at oo ikaw 'yun, kahit na wala ka nang ibang pagpipilian pa.


I love you! It doesn't mean that I don't love her, but she's just awful, baby!
- Entourage

Si lalaki na iniwan si babae, at oo ikaw 'yun. Iniwan ka niya dahil binigyan mo siya ng dahilan para gawin iyon. Binigyan mo siya panahon.

Si babae na sinabi sa isang lalaki na kung nais niyang balikan ang dati niyang gusto ay gawin na niya habang maaga pa, at oo ikaw 'yun.

Saturday, June 11, 2011

Independence

Wala nang kakaiba sa panahon ngayon, ang mga ideya ng tao ay parang endangered species na unti-unting nawawala sa kasukalan ng mga kaisipan. Ang hindi na paggamit ng panulat at papel dahil sa bagong labas na I-Pad, ang pagkakaroon ng matalinong lahi dahil sa genetic manipulation, ang pag-galing ng isang taong may Kanser at ang paglalakbay sa kalawakan ay pawang mga bagay na lamang na naluma na sa discovery channel. 

Ngunit ang pagdilat tuwing umaga, ang sinag ng araw sa kaunting siwang ng bubong, ang amoy ng sinangag mula sa tira noong hapunan ay higit pang may katuturan kaysa sa mga bagong usapin ngayon.

Ang walang katapusang laban para sa pantay na karapatan ng mga kababaihan ay katumbas na lang ng presyo ng isang Magdalena sa Club. Ang paglabag sa human rights ay tila kasing bilis na ng mga nauusong broad.

Ito ang panibagong panahon, ang lipunan ang nagdidikta ng moralidad ng mga tao, ang political views at relihiyon ay pawang isang dekorasyon na lang sa profile ng iyong facebook account.

Wednesday, June 8, 2011

Kung Babae na ang manligaw


Sa panahong ito, kung saan may boses na ang mga kababaihan at mas protektado tayo ng batas, sa lipunan tayo pa rin ay tinitingalang mga babae, isang kasarian na sumisimbolo sa kahinaan, pagiging-emosyonal at pagbubuntis o pagpaparami. Kaya't marami pa rin ang hindi sang-ayon kung ang babae ang magsisibak ng kahoy panggatong, mangangaso para sa hapunan at mag-iigib ng tubig.

Bagamat maraming kwento noong unang panahon tungkol sa mga kababaihang matagumpay na naipakita sa buong mundo na higit pa sila sa isang babaeng dinikta ng lipunan, hangang sa panahon ngayon ilang pa rin ang marami kung ang babae ang siyang manliligaw sa isang lalake.

Isang rebolusyonaryong gawi kung saan ang babae ang magbibigay ng bulalak, mang haharana at siyang maghahatid-sundo sa kanyang nililigawang lalaki ay sadyang kakatuwa, ngunit marami pa rin ang tutol sa ganitong konsepto. Bakit? Dahil natural sa tao ang iwaksiv[sa simula] ang kahit anomang pagbabago sa nakaugalian, hangang sa dumating ang panahong na ito ay isang ordinaryo at nakakasawa nang konsepto sa mga teleserye at pelikula.

Sunday, June 5, 2011

Ito Raw ay Pag-ibig




Kapag tulaan na ang pinag-usapan,
puso na ang nagsasalita,
Wala nang magagawa pa ang mga mambabasa kundi pagmasdan
kung paano nahugis ang bawat katagang
animo'y mga patak ng luhang
kusang dumausdos sa pisngi ng manunulat
at sadyang nahulog sa pahina.

Sa tuwing nais kong sabihin ang mga salitang
di ko maintindihan ay
nakatahi ang mga mata ko sa'yong direks'yon,
tahimik kang pinagmamasdan sa malayo
hangang sa paglapit
unti-unting binuburda ang tingin,
sa'yo...

Halos abot-kamay ko na ang pisnging
gumaspang na sa ilang araw na pagliban sa pag-ahit,

Halos dama ko na ang maiinit na hiningang mula sa
usok ng naupos na sigarilyo.

Halos dinig ko na ang pintig ng pusong,
hindi man bumilis kahit sa tabi ko...

at ito raw ay pag-ibig.

Saturday, May 28, 2011

Interview with a Dollar


Sadyang mahirap ang subject na Arithmetic, lalo na kung pera ang pinag-uusapan. Isang dolyar sa ngayon ay katumbas na ng 44 pesos, samantalang dati ang isang dolyar ay katumbas lang ng 2 piso.Dadagdagan pa ito ng sintemiyento ng ating ekonomiya at lipunan. Ang walang katapusang isyu ng imperyalismo at katiwalian na siyang nagiging sanhi ng kahirapan. Ang di na makatotohanang pagpapakita ng imahe ng kabayanihan at pagpapaniwala sa pag-asa.


pag-asa...umaalingawngaw sa tainga ko ang salitang iyon, animo'y isang kathang-isip lang, isang pangalan ng prinsipeng minsang nangakong pakakasalan ang prinsesa at biglang namulat sa isang panaginip.

Isa akong kalapating kahit matayog ang lipad ay dumadaing ng kalayaan.

Kahit gaano kalayo ang marating ko'y hindi ako iniiwan ng malakas na hangin, ang paglapat ng mabibigat nitong hampas sa aking pakpak ay tila pilit akong pinipigilan sa pag-sulong. Pero hindi ako tumitigil sa pagkampay, at titigil lang ako hangang sa makakita ako ng masisilungan, hangang sa makaipon ng lakas para lumipad muli...

Wednesday, May 25, 2011

Nagbigay ako ng pancit canton

Nancy Reyes Lumen of the Philippine Center for Investigative Journalism writes that according to food lore handed down from the Chinese, noodles should be eaten on one's birthday. wikipedia.com 
Hindi ka kumain ng tanghalian dahil pinakain ka ng mga taga-barangay ng almusal.

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil wala kang pambili ng pagkain.

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil marami kang ginagawa sa trabaho.

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil umuulan ng malakas.

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil alam mong kakain ka rin naman ng hapunan

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil alam mong walong oras lang naman ay kakain na ulit

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil umano'y gusto mo ring pumayat

Hindi ka kumain ng tanghalian dahil mapupungay na rin sa antok ang iyong mga mata.

Hindi ka kumain ng tanghalian...kaya binilan kita ng pancit canton.


Anxia

ANXIA - png., ptk., /an-s'ya/, /anc'ya/, isang ekspres'yong pambakla na tumutukoy sa isang tao, hayop, bagay, o pangyayari, na hindi naaayon sa karaniwan. Kapalit nang salitang "baliw", "lasing", "tanga", "sira". Maaari din itong tumukoy sa isang mga taong magulo ang pag-iisip.

hal. Na-aanxia ako sa mga nangyayari ngayong araw.

Tuesday, May 24, 2011

Di Ko Hahayaang Maging Nars Ang Aking Anak


Hahayaan kong gawin ng aking anak anomang nais niya:
Maging abogado, guro, inhinyero o kahit artista.

Ngunit, kailan man hindi ko siya hahayaang maging nars
O kumuha ng medisina o kahit magtrabaho sa ospital
Bilang ahente ng gamot o tagatapon ng maruruming gasa.

Hindi ko siya hahayaang mahawa ng malubhang sakit,
O magpasalubong ng mikrobyo sa kanyang mga anak.

Kung nais niyang kumain ng baboy
Ay di ko siya susuwayin,
Manigarilyo tuwing naiinip
O uminom ng alak 'pag may okas'yon.

Gusto kong matutuhan niyang katakutan
Ang dugo at ang karayom.

Maging sa harap ng nililinis na bangkay,
Gusto kong makita siyang umiiyak,
Kaharap ang hile-hilerang bote ng fetus.

Gusto kong matutuhan niyang pandirihan ang may ketong,
Kutyain ang baliw at pagtawanan ang lumpo

Hahayaan kong umasa siyang may lunas ang kanser
At maniwalang tanging utak lang ang di napapalitan sa katawan ng tao.

Gusto kong maranasan niyang mabuhay ng normal
Di kailangang paulit-ulit linisin ang di na gumagaling na sugat
O paiyakin ang sanggol bilang pagbati sa kanyang kapanganakan.

Gusto kong maging matagumpay siya sa kanyang trabaho
Na di kailangang magsuot ng abaya kahit di Muslim,
O bumati ng Niphonggo o sa Ingless.

Balang-araw gusto kong ikwento niya sa kanyang mga anak:
Walang mga nanay na umiiyak sa tabi ng kanyang sanggol,
Walang rehas sa ospital
O pasyenteng ginagamot nang nakaposas
Walang nagkakasakit at walang namamatay.

Monday, May 23, 2011

Nag-iisa lang si Eba



"Oh, woman, woman! When to ill thy mind is bent,
all Hell contains no fouler fiend." Homer
Kung mapapansin ang isang peras sa isang kaing ng patatas, siya lang itong nangingibabaw, hindi dahil matamis ang ngiti kundi siya lang itong may tangkay, may buto at hindi kailangang lutuin para makain. 

Pero, hindi siya habang-buhay na isang bunga ng puno ng peras, sinubok din niyang tumira sa lupa, para lang malaman kung pumipintig ang mundo. At ang bawat pintig nito ang nagbibigay lakas ng loob sa kanya. Ngunit para sa isang patatas na ipinanganak sa lupa ito ang ugong ng impiyerno.

Ngunit ang peras, kapag 'di na natatakluban ng balat, sa ihip lang ng hangin ay nabubulok.


"Sapagkat ako'y isang babae, kaya bata pa lang ay tinuruang magbaka-sakali."

Ang larawang ito ay kinukha noong ika-6 ng Mayo taong 2011, matapos ang Open Water Survival sa Nasugbu, Batangas. Iilan ang mga nakalangoy ng tatlong milya, ngunit lahat naman ay maayos na nakabalik sa pampang. Ako ang isa sa kakaunting babaeng nagfacilitate nito. Anila'y ang huling babaeng kasama nilang lumangoy ay limang taon na ang nakararaan (makikita rin siya sa larawan).

Pangarap kong makilala siya, siyang sinasabi nilang "the future me". Natuwa rin ako nang malaman kong natapos na niya ang mga kurson ngayon ko pa lamang pinag-aaralan at balak pag-aralan. Nakita ko kung gaano siya kakampante sa dagat, animo'y sumasabay sa alon ang paghinga niya. Samatalang ako'y hindi sapat ang ensayo at kailangan pang patalimin sa palihan.

Thursday, May 19, 2011

Unang higop

"Black as the devil, Hot as hell, Pure as an angel, Sweet as love."
               ~Charles Maurice de Talleyrand-Perigord
Mula sa motherinstinct.com ang larawan ng isang tasang kape na animo'y nanghihimok. Ang kulay lupa nitong nilalaman na nagbabaga sa pagdungaw ng haring araw. Ang simoy ng umaga, ang magaang hanging kumikiliti sa balat at ang bawat namumungang hamog sa damong sadyang humahawi ay mararamdaman lahat.

At wala akong pakundangang kopyahin ang larawang ito, kahit ano pa man ang nasasaad sa batas. Sa pagniniwalang lahat ng batas ay nagpaparaya sa mga may kakulangan. Dahil una at huling beses ko lang natikman ang pawang gamot na pipigil sa pintig ng aking puso. Ito ang aking kakulangan, ang nakahihiya kong karamdaman kung saan inaayawan ng sikmiura kong nabutas na mahabang panahong patatangis sa pait.

Ngunit isang araw nanguyam ako sa kalinga ng isang tasa ng mainit na kape. Walang kiming nagpunta sa kusina at nagpakulo ng tubig. Hinanda ko ang isang maliit na tasang animo'y nangungusap sa akin. Gamit ang matinis niyang boses ay sinabing "Tigil!" Kinuha ko ang gunting at isang pakete ng kape at saka ginupit ang isang dulo nito. Sinundan ng mga mata ko ang pagbagsak sa sahig ng kaputol na dulo animo'y dahan-dahang nagpapaalam sa akin.

Napahinto ako sa biglang ingay ng takore. Ah! Ang mainit na tubig para sa isang tasa kape.

Kinuha ko ang takore at dahan-dahang 'binuhos ang mainit na tubig sa maliit na tasa at ang halimuyak na matagal na panahon nagmumulto sa aking isipan ay sawakas masisilayan muli, ang lasang kumukurot sa aking tiyan ay matitikman muli. Hinalo ko ang kape at agad humigop ng kaunti. Nagbuntong hininga ako saka dumungaw sa bintana at tinanaw ang pasikat na araw. Bigla kong naisip na isang higop lang ay sapat na para sa maghapong gawain.